write.as

Matapos ang Eksena, Anong Mangyayari sa Ekstra?

Ang Pelikulang Ekstra (2013) Bilang Tekstong Popular sa Ilalim ng Tradisyon ng Realismo

John Rey Dave Aquino

Sinisiyasat ng pelikulang Ekstra (2013, dir. Jeffrey Jaturian) ang mga negosasyon sa nibel ng institusyon upang bigyang-puna ang pananamantala sa industriya ng telebisyon (at pelikula) sa pamamagitan ng pagsasalaysay ng isang araw sa buhay ni Loida (Vilma Santos) bilang ekstra. Susuriin ang pelikula gamit ang konsepto ng negosasyon ni Gledhill (1988), ang kritisismo ng industriya ng kultura nina Horkheimer at Adorno (2002), at ang pag-iiba ng realismong ‘indicative’ at ‘subjunctive’ ni Williams (2015), kung saan lalabas na samantalang pinupuna ng pelikula ang pananamantala sa mga manggagawang ekstra, ikinukubli rin nito ang sarili bilang tekstong dumaan sa parehong proseso ng produksyon na pinupuna nito. Sa huli, nauuwi pa rin ang pelikula sa realismong ‘indicative’ kung saan hinahamak ang posibilidad na magharaya ng mga bagong hinaharap.

Umiikot ang kuwento ng pelikulang Ekstra sa isang buong araw ng paggawa ni Loida bilang ekstra sa isang palabas sa telebisyon na may pamagat na Una Kang Naging Akin. Natanggap niya ang isang text tungkol sa raket na ito at, gaya ng karaniwang manggagawa, naghanda upang pumunta sa trabaho. Sinundan ng pelikula ang kanyang mga karanasan sa set ng palabas, mula sa pagganap niya bilang katulong matapos ipakita ang kanyang kakayahan sa pag-arte, ang pagganap niya bilang dobol ng isang sikat na artistang umalis sa set, at ang naudlot niyang pagganap bilang abogada sa isang eksena kasama ang kanyang idolong si Amanda.

Tungkol sa mga Negosasyon, Produksyon, at Paggawa

Ipinaliwanag ni Gledhill (1988) ang konsepto ng negosasyon bilang pamamaraan ng pagsusuri sa pagpapakahulugan (meaning production) sa larangan ng kultura, kung saan kinikilala ang pagsasalubong ng (1) mga proseso ng produksyon ng teksto at (2) ang pagtanggap ng konsyumer sa teksto. Aniya, “Sa halip na iginigiit o pasibong natututuhan, umuusbong ang kahulugan mula sa tunggalian o negosasyon sa pagitan ng mga nagpapaligsahang balangkas ng pananaw, pagganyak at karanasan” (68, sariling salin). Kinikilala ng konsepto ng negosasyon ang mga dayalektikal na ugnayan sa tatlong nibel: institusyon, teksto, at tagapanood.

Sa unang nibel ng institusyon, nagtutunggali ang proseso ng kapitalistang produksyon at kagustuhan ng mga tagapanood, at ang mga pagkakaiba sa estetikong praktika ng mga kasangkot sa produksyon. Sa Ekstra, makikita ito sa tunggalian ng direktor at prodyuser: bagaman mayroon nang malikhaing pangitain ang una para sa kalalabasan ng palabas, hindi niya ito matupad dahil sa pagnanais ng huli na bawasan ang gastos sa produksyon. Ilang matining na halimbawa ay ang paggamit ng traysikel dahil sampung libo ang renta kada oras para sa kabayo, ang paggamit ng cake na mock-up imbes na totoong cake para sa isang eksenang kailangang maghiwa nito, at ang kakulangan ng kagamitan gaya ng camera at lapel microphone para sa shooting. Itong unang nibel ang kritikal na tuon ng pelikula bilang tekstong naratibo. Samantala, pahapyaw lamang na makikita ang ikalawang nibel ng teksto at ikatlong nibel ng pagtanggap (reception) sa Ekstra dahil mas sinikap ilarawan ng naratibo ang proseso ng produksyon.

Sa simula ng pelikula, habang papunta sina Loida at ang kanyang mga kapwa-ekstra sa set ng palabas na kanilang sasalihan, pinag-uusapan nila ang pangarap na maging sikat na artista. “Balang araw, itaga niyo sa bato, sisikat din tayo,” sabi ni Loida. Ipinahihiwatig ng eksenang ito ang pag-asang maisasakatuparan nila ang kanilang pangarap, subalit agad masasawata ang ilusyong ito pagdating nila sa set. Hindi kagalang-galang ang mga kalagayan sa paggawa ng mga ekstra, gaya ng kawalan nila ng puwang na maaari sanang pagpahingahan sa set. Nariyan din ang bilis na kinakailangan para sa produksyon dahil ipalalabas na ang soap opera kinagabihan.

Dalawang usapin tungkol sa produksyon ang maaaring pagtuunan ng pansin sa pelikula. Una, ang madaliang pagpapalit sa isang ekstra na para bang isa siyang piyesa sa makina. Maliwanag ito sa agarang pagkakaroon ng kapalit ni Loida para sa huling eksena niya sanang mayroong speaking lines. Gaya ng assembly line sa kalakaran ng kapitalismo, mabilisan ding napapalitan ang mga manggagawang ekstra kung kinakailangan. Kaakibat nito ang ikalawang usapin, ang pananaw ng manggagawa mismo sa kanyang kalagayan. Malay si Loida sa kanyang kahalagahan bilang ekstra sa produksyon ng soap opera: “‘Wag mong nila-lang ang crowd. Crowd is crowd. Aanhin mo ang isang eksena kung puro bida lang?… Crowd ang bumubuo sa eksena.” Subalit malay din naman ang kaibigan niyang si Venus tungkol sa kanilang tunay na papel sa produksyon: “Tao ba tayo dito? Props lang tayo ‘no.” Ipinahihiwatig nito ang alienation na maaaring nararamdaman ng isang manggagawang ekstra, sang-ayon sa naunang saloobin ni Loida: “Crowd din ako dati, pero look at me now. Crowd pa din.”

Ayon kay Horkheimer at Adorno (2002), ang pelikula bilang bahagi ng kultura ng industriya ay bumabansot sa kakayahang mag-isip at magharaya ng mga tagapanood. Makikita ito sa malinaw na pamumuntirya ng bawat linya’t eksena sa pelikula sa bawat isyung kinahaharap ng isang manggagawa. Tila idinuduldol ng pelikula sa manonood ang pagkaapi ng pangunahing tauhan. Halimbawa, sa pagbitaw ng linya ni Venus na “Props lang tayo dito,” hindi na ito sinundan ng dayalogo bilang pagtatangkang mag-iwan ng retorikal na punto. Sa halip, mabilis na nagpalit ng pokus ang eksena. Isa pang halimbawa ang transition mula sa isang eksena kung saan punong-puno ang mesa ng pagkain para sa mga artista, direktor, at prodyuser ng soap opera patungo sa eksena kung saan nakapila ang mga ekstra para sa kakaunting pagkain. Subalit ang pinakamalinaw na retorikal na linya ay ang hayagang paghinakdal ni Direk: “’Yang mga diwa niyong binulag ng kahunghangan niyo sa mga ratings, sa mga budgets, sa mga for airing, sa dapat puno ng commercial, sa dapat may kilig.”

Malinaw ang kritisismo ng Ekstra—sa sistema ng produksyong pantelebisyon (at pampelikula) inaapi si Loida at ang mga kasama niyang ekstra bilang manggagawa. Malay din ang pelikula sa mga katangian at proseso ng produksyon ng kulturang popular bilang industriya, subalit kailangan ding itanong kung paano maaaring magbago ang pagbasa sa Ekstra bilang tekstong dumaan sa parehong proseso ng produksyon. Ilan ang ekstra sa Ekstra? Paano ang naging tarato sa mga mismong gumanap bilang ekstra sa pelikula? Ano naman ang kabuluhan ng pagganap ni Vilma Santos—na malamang pinili dahil siya ay isang batikang artista sa telebisyon at pelikula na hahatak ng mga tagapanood—bilang si Loida? Bilang teksto, dumaan din ang Ekstra sa parehong sistema ng produksyon na “layuning ilarawan ang mundo ng pang-araw-araw na pag-unawa” (ibid., 99) kung kaya tinitingnan ng manonood ang mundo sa labas ng pelikula bilang ekstensyon ng napanood niyang pelikula. Bunga nito ang “pagtatanggi sa tagapanood ng kahit anong dimensyon kung saan sila malayang maglakbay sa paghaharaya” (ibid., 100) ng mundo. Hindi na binibigyan ng Ekstra ng pagkakataong mag-isip ang tagapanood dahil ipinakikita na nito ang maraming katotohanan tungkol sa kaapihan ng mga manggagawang ekstra.

Mahalaga ring itanong kung anong halaga ng kritisismo ng pelikula samantalang nagtapos pa rin ang naratibo sa kamatayan ng mga pangarap ni Loida: “Heto naman kasing si Loida, hindi pa magkuwento. Sino bang namatay, Mare?” Sa mga huling frame ng pelikula, nililimita ang paningin ng tagapanood sa ekspresyon ni Loida matapos panoorin ang eksenang kanyang hindi nagampanan. Kaakibat nitong eksena sa telebisyon ang isang pangarap na hindi naisakatuparan.

Alinsunod kay Williams (2015), nauwi ang pelikula sa ‘indicative’ na moda ng realismo. Isinalarawan lamang ng pelikula kung ano ang ‘tunay’ na hitsura ng realidad, kung ano ang mga sumulpot na pagkilos at mga pagkilos na pinigil sa isang lipunan kung saan lahat ng pagsusumikap na lagpasan ang mga hangganan ay hindi nagtatagumpay. Sa madaling sabi, sa kabila ng mapanuring tuon sa hindi makataong kalagayan ni Loida bilang manggagawa, talunan pa rin siya sa katapusan ng pelikula. Isa itong hindi maikakailang katotohanan, at sa tradisyon ng panlipunang realismo, kadalasang sa pagkatalong ito tinutuldukan ang kuwento. Hindi nga ba’t sa bandang huli, kumita pa rin si Loida upang maipambayad sa matrikula ng kanyang anak? Samantalang ipinakikita ng modang ‘indicative’ ang tunay na kalagayan ng aping tauhan, hindi rin sinasadyang matuldukan ang kuwento.

Kaya naman iminumungkahi ni Williams ang isang moda ng realismo kung saan “ipinapalagay ang mga susunod na maaaring mangyari” (219, sariling salin) lagpas sa kaapihan ng pangunahing tauhan—‘subjunctive.’ Hinaharaya nito ang mga posibilidad ng pagpapatuloy ng kuwento—sa Ekstra, maaaring tanungin kung ano kayang mangyayari kapag hindi hinayaan ni Loida na mapahiya siya at sumagot siya kay Direk? Malamang ay papalitan pa rin siya nito, subalit lumaban pa rin siya. Ano kayang mangyayari kung pinigilan ng mga kapwa-ekstra niya ang paninigaw sa kanya ni Direk? Marahil ay hindi siya gaanong mapapahiya, o kaya’y lahat sila paaalisin sa set bagaman mangangahulugan ito ng pagtigil ng shooting. Ano kayang mangyayari kung ipinagtanggol siya ng mga batikang artista sa set, o ng katuwang na direktor? Malamang si Direk ang mapapahiya.

Subalit ang pinakamahalagang tanong ay ano kayang mangyayari kung nagtagumpay si Loida sa pagganap bilang abogado sa eksena? Paano kaya kung hindi siya kinabahan at nabigyan niya ng sariling pagkatao, ng buhay, itong side character na babarilin ng isang kontrabida? Hindi kaya hahangaan siya ng direktor, prodyuser, at mga manonood? Hindi kaya mabibigyan pa siya ng marami pang raket? Hindi kaya magkakaroon siya ng ‘big break’ para sa mga susunod pang mga soap opera tungo nga sa pagbili niya ng sariling sasakyan? Kung hindi man, kahit papaano, hindi kaya mas mataas ang kanyang magiging talent fee para sa matrikula ng kanyang anak at pandagdag sa mga gastusin sa bahay? Sa realismong ‘subjunctive,’ mas binibigyan ng pagkakataon ang mga inaaping tauhan na umalpas sa kanilang kalagayan.

Ito marahil ang kabiguan ng pelikula: sinusuhayan nito ang pagtingin sa pananamantala at herarkiya bilang likas na kalagayan ng mga bagay-bagay sa lipunan. Sa halip na hayagang ipanawagan ang pagbabago sa kultura ng produksyon sa industriya ng telebisyon at pelikula para sa mas maayos na pagtarato sa mga ekstra, nagkakasya na lamang ang Ekstra sa simpleng reproduksyon ng katotohanan ng kanilang kalagayan. Wala itong pagtatangkang magsulong ng bagong hinaharap para sa pinapaksa nitong grupo dahil nga bahagi pa rin ito ng industriya ng pelikula, at nakikinabang pa rin ito sa namamayaning sistema ng produksyong pantelebisyon. Alinsunod kay Williams, interesanteng makita kung ano nga bang hinaharap ang mayroon para sa mga ekstra sa industriya ng produksyong kultural.

Mga Sanggunian:

Gledhill, Christine. 1988. “Pleasurable Negotiations.” Sa Female Spectators: Looking at Film and Television, inedit ni E. Deidre Pribram, 64-89. London at New York: Verso.

Horkheimer, Max at Theodor Adorno. 2002. “The Culture Industry: Enlightenment as Mass Deception.” Sa Dialectic of Enlightenment: Philosophical Fragments, inedit ni Gunzelin Schmid Noerr, isinalin ni Edmund Jephcott, 94-136. Stanford: Stanford University Press.

Jaturian, Jeffrey, direktor. 2013. Ekstra. Metro Manila: Star Cinema. Youtube. https://www.youtube.com/watch?v=1Ye_1wLjcvk.

Williams, Raymond. 2015. Politics and Letters: Interviews with New Left Review, ika-3 edisyon. London at New York: Verso.

*Ipinasa ang papel na ito sa gradwadong kursong MLL 230, Cultural Criticism.