write.as

Ang Ilusyon ng Malayang Edukasyon*

Isang Marxistang Pagbasa sa “Utos ng Hari” ni Jun Cruz Reyes

John Rey Dave Aquino

Mula sa punto-de-bista at sa pamamagitan ng wikang naghihimagsik, tinutunggali ng “Utos ng Hari” ang tradisyunal na edukasyong umiikot sa guro at isinusulong ang isang mas malayang uri ng edukasyon. Gamit ang ilang ideya nina Pierre Macherey, Louis Althusser, at George Lukacs, susuriin dito ang diyalektikal na ugnayan at tunggalian ng malayang (liberal) edukasyon at tradisyunal (konserbatibo) na edukasyon. Lilitaw sa suri na bagaman tinutunggali ang tradisyunal na edukasyong kinakatawan ng mga guro sa kuwento, gumagawa ng maling pagtutumbas ang kuwento sa pagitan ng edukasyon at kalayaan kung kaya hindi sadyang ipinakikita ang ideyalismo at ilusyon ng malayang edukasyon na kinakatawan ni Jojo.

Nagsimula ang kuwento sa isang klase ni Jojo kung saan, matapos niyang tunggaliin ang tinuran ng kanyang guro tungkol sa demokrasya, pinapunta siya ng kanyang guro sa opisina nito. Binanggit niya ang kalagayan niya sa kanyang paaralan, ang pangalan ng paaralan, bilang ‘delinkwente,’ at binanggit din si Minyong, isang ‘minority.’ Sa kanyang pagmumuni tungkol sa sistema ng edukasyong kailangan niyang layagin bilang estudyante, nagbigay siya ng mga prominenteng pangalan sa kasaysayan ng mundo at ginamit silang halimbawa bilang pagtunggali sa mga pinanghahawakang halaga’t prinsipyo ng kanyang mga guro. Dudulo ang kuwento sa mga babala ni Mrs. Moral Character tungkol sa kanyang ‘maling’ asal sa klase at pakikipagrelasyon, na siya namang ilalahad ni Jojo sa kanyang mga kainuman sa Cubao.

Tungkol sa tradisyunal na edukasyon sa paaralan

Nakaugat ang tunggalian ni Jojo at kanyang mga gurong sina Mrs. Gles-ing, Ms. Morality, at iba pa sa pagkakaiba ng kanilang pananaw sa edukasyon. Dinaramdam ni Jojo ang nakikita niyang pagkapit ng kanyang mga guro sa tradisyunal na uri ng edukasyon kung saan ang guro ang may hawak ng kaalaman. Sa mga salita ni Freire (2000), natagtag na ang mga gurong ito sa metodong banking kung saan nagsisilbing sisidlan lamang ang mag-aaral na sinasalinan ng guro ng kaalaman, kung saan “regalo ang turing ng mga taong nakikita ang sarili bilang mas maalam sa kaalamang ibinibigay sa mga taong tinuturing nilang walang alam” (72, sariling salin).

Sa isang himutok ni Jojo, naghihimagsik siya laban sa pagtanggi ng kanyang mga guro sa tunggalian: “Maka-uno lang, kahit lulunin ang sariling dila. Kumontra ka sa kanila, singkong maliwanag. Tumango-tango ka naman para maka-uno, ibig sabihin noo’y sarili mo na ang kailangang lokohin” (Reyes 1981, 75). Dito niya ipinahahayag ang pagtutol sa unang katangian ng tradisyunal na edukasyon: sa loob ng silid-aralan, hindi maaaring magpahayag ng opinyon ang isang estudyante. Halimbawa, matapos niyang tunggaliin ang tinuran ng kanyang guro sa klase, ipinatawag siya ng kanyang guro sa opisina nito upang pagsabihan. Makikita din ito sa kuwento ni Minyong, isang ‘cultural minority’ na pinaalis sa paaralan nang natutong magsalita: “Ayon nang matutong magsalita ang tao, na-shock silang marinig ang katotohanan” (ibid., 78).

Malinaw ang paghihimagsik sa wika ng pangunahing tauhang si Jojo laban sa kanyang mga gurong “Parang mga diyos na sila lamang ang may monopolyo ng tama” (ibid., 76). Magaspang ang wika ng kuwento hindi lamang dahil sa paggamit ng mga mura at sa madamdaming paghihimutok ni Jojo, kundi dahil din sa paggamit ng Taglish. Maituturing din itong paghihimagsik laban sa ‘wastong panulat,’ gaya ng paghihimagsik ni Jojo laban sa edukasyong nakatuon sa ‘wastong’ asal at hitsura, na siyang ikalawang katangiang tinutunggali ni Jojo sa kuwento. Nagbigay siya ng mga makasaysayang taong sa tingin niya’y hindi matutupad ang pamantayan ng kanyang mga guro, gaya nina Einstein, Hemingway, at Kristo, dahil hindi wasto ang kanilang asal, hitsura, o kaisipan.

Tungkol sa malayang edukasyon at tunggalian

Bilang tugon sa ganitong uri ng edukasyon, itinataguyod ni Jojo ang isang mas malayang uri ng edukasyon subalit kataka-takang hindi niya tuwirang inilalahad kung ano ito. Sa halip, kailangang mahinuha ng mambabasa ang mga katangian ng malayang edukasyon bilang kasalungat ng tradisyunal na edukasyon. Gamit ang paraan ng pagbasa ni Althusser na naghahanap sa mga puwang (gaps) ng kuwento (Forgacs 1986), maaaring sabihing nais ni Jojo ang isang uri ng edukasyon kung saan mayroong kalayaang magpahayag ng opinyon, saloobin at damdamin ang mga mag-aaral, at may kalayaan din mula sa panghuhusga ayon sa pamantayan ng wastong asal at hitsura. Tingin ko, ito ang tuwirang kabaligtaran ng mga katangiang kanyang pinaghihimagsikan.

Subalit mahalagang tingnan ang ugnayan ng dalawang magkatunggaling grupo sa kuwento. Si Jojo ay isang estudyante, samantalang ang kanyang katunggali ay mga guro. Malinaw na hindi pantay ang relasyon ng guro at estudyante. Sa herarkiya ng paaralan, mas mataas ang antas ng una na siyang nagpapatakbo sa paaralan at nagtuturo sa huli, samantalang mas mababa ang antas ng huli na kinakailangang sumunod sa mga patakaran at kapritso ng una. Dalawa ang maaaring pag-ugatan ng herarkiyang ito: edukasyong natanggap o gulang. Sa parehong grupo, mas nakatataas ang guro dahil nakapagtapos na ng pag-aaral at mas matanda, samantalang makikita sa kuwento ang kanilang paghamak sa kanilang estudyante bilang hindi pa nakapagtapos at mas nakababata sa kanila.

Kung titingnan naman ang pagsasalungat ng dalawang grupo—guro at estudyante—at ilalapat sa tradisyunal na paghahating Marxista ng lipunan—burgesya at proletaryo—makikitang hindi maaaring ilagay sa burgesya ang mga guro dahil sa kawalan nila ng pagmamay-ari ng materyal na kapital. Sa madaling pakahulugan, hawak ng burgesya ang moda ng produksyong materyal (rekursong likas at tao), samantalang ang proletaryo naman ang nagbibigay ng lakas-paggawa (Dobie 2012). Subalit hindi nagmamay-ari ang guro ng materyal na kapital gaya ng pera, mga kagamitang pamproduksyon, o lupa; sa halip, saganang kultural na kapital ang kanilang hawak, bukod pa sa kanilang gulang, na siyang nagbibigay sa kanila ng mas mataas na antas kaysa estudyante.

Kung susuriin ang tunggalian, makikitang ang primaryang tunggalian sa kuwento ay hindi sa pagitan ng guro at estudyante, kundi sa pagitan ng dalawang uri ng edukasyong isinasalarawan (sa kaso ng tradisyunal na edukasyon) at ipinahihiwatig (sa kaso ng malayang edukasyon) nito. Kinakatawan lamang ng estudyante at guro ang dalawang uri ng edukasyon, at naihahayag ito sa kanilang mga gawi at salita sa kuwento.

Tungkol sa ilusyon ng malayang edukasyon

Nang kausapin siya ni Mrs. Moral Character, nais ni Jojo na sumagot dahil sa ganoong paraan lamang siya makalalaya mula sa kamay ng tradisyunal na edukasyon: “Gusto ko na talagang magwala. Gusto ko siyang balikan. Gusto kong isambulat lahat ng hinanakit ko sa mundo” (Reyes 1981, 81). Hindi niya ito ginawa, at may kaugnayan ito sa dahilan kung bakit siya nananatili sa kanyang paaralan:

“Kung wala akong diploma, sino naman ang maniniwalang may kinabukasan nga ako. Sana’y hindi nauso ang grade, di sana’y hindi ako mahihiyang pumasok kahit Metro Manila Aide. Kung graduate naman ako’t hingan ng experience sa pag-aaplayan ko, dedo pa rin. At kung tapos nga, nakakahiya namang pati trabahong pangmahirap ay pagtiyagaan ko.” (ibid., 75)

Ani Macherey, inuuka ng katha ang ideolohiya kung kaya’t ang ideolohiyang ipinapasok sa katha ay hindi na kagaya ng dati nitong anyo. Sa madaling sabi, nagbabago ang anyo ng ideolohiya sa loob ng kathang nagbibigay-hugis dito, at nagkakaroon ng tunggalian sa loob ng katha at sa pagitan ng katha at ideolohiya (Forgacs 1986). Kadikit ito ng pagbasa ni Althusser na tumutukoy sa mga puwang ng kuwento. Sa siping ito, mababasa ang tila hindi pagpapahalaga ni Jojo sa edukasyon, ngunit kabalintunaan ito dahil ipinahihiwatig din dito ang kahalagahan ng edukasyon para sa indibidwal. Mayroong kabatiran si Jojo na magbabago ang kanyang antas mula sa pagiging hamak na estudyante kung makapagtatapos siya ng pag-aaral. Walang magiging sintesis sa pagtatapos ng kuwento dahil sa huli, kailangan lamang mamili ni Jojo sa dalawang uri ng edukasyon.

Sa isang banda, maaari siyang magpatianod sa agos at sundin ang lahat ng sasabihin ng kanyang mga guro dahil “Pasasaan ba’t mauubusan din iyan ng sasabihin” (Reyes 1981, 80). Makapagtatapos siya’t aangat ang antas sa lipunan, subalit magiging kagaya siya ng kanyang mga guro—hindi kritikal. Maaari rin namang sumalungat siya sa agos, kumawala sa sistema ng edukasyon dahil kailangan niyang magsalita at ayaw niyang mabaliw. Magtatagumpay siyang masawata ang pamamayagpag ng tradisyunal na edukasyon, isusulong niya ang malayang edukasyon at magiging kritikal na mamamayan, subalit mananatili ang kanyang materyal na kondisyon; mananatili siyang bahagi ng kanyang pinanggalingang uri. Gayundin, mananatili siyang bahagi ng sistema ng pang-aapi; kung hindi man bilang estudyante, bilang manggagawa, bilang “Metro Manila Aide,” o bilang job hunter sa isang bansang may mataas na antas ng disempleyo.

Kinakatawan ni Jojo ang malayang edukasyon, at kinakatawan naman ng kanyang mga guro ang tradisyunal na edukasyon, subalit segundaryang tunggalian lamang itong nagaganap sa pagitan ng guro at estudyante. Dahil unang panauhan ang punto-de-bista (first person perspective) ng kuwento, nananatiling indibidwal ang tuon ng kuwento sa halip na uri, grupo o sistema. Sa Marxistang pagsusuri, matagumpay ang kuwento sa paglalahad ng artipisyal na katotohanan ng ilusyon ng malayang edukasyon. Hinahamon nito ang ilusyon sa pamamagitan ng pagbubunyag kung paanong mapapalaya ang kaisipan ni Jojo at maitataas ang kanyang antas, ngunit magpapatuloy ang kanyang kaapihan at mananatili siyang bahagi ng isang herarkiyang panlipunan.

Isang mahalagang bahagi ng teoryang pampanitikan ni Lukacs ang pagtatasa ng halaga ng isang akdang pampanitikan batay sa katangian ng akdang ipakita ang katotohanan at reyalidad ng pisikal na daigdig sa kinathang daigdig: kung reyalistiko o hindi reyalistiko ang kuwento (Forgacs 1986). Sa aking pagtatasa sa “Utos ng Hari,” ipinakikita ng kuwento ang kahalagahan ng ‘malayang edukasyon’ at ang kaakibat nitong kalayaan sa pagpapahayag ng sarili at kritikal na pag-iisip, subalit isinisiwalat ding may hangganan ito dahil kaisipan lamang ang pinapalaya nito. Mahalaga din ang pagpapakita ng kuwento sa masalimuot na katotohanan ng tunggalian sa uri—hindi lamang burgesya at proletaryo ang nagtutunggali, dahil sa loob mismo ng mga paghahating ito, maaaring magkaroon ng hindi pagkakaunawaan.

Bilang isang kuwentong naghihimagsik laban sa tradisyunal na edukasyon, isinusulong ng “Utos ng Hari” ang malayang edukasyon subalit hindi sadyang hinahamon ang mga hangganan nito. Inuuka ng katha ang ilusyon ng malayang edukasyon: kung sa loob ng katha, nagtutunggali ang malaya at tradisyunal na edukasyon, tinutunggali din naman ng katha mismo ang ideolohiyang ipinasok dito, alinsunod kay Macherey. Itinuturo tayo ng kuwento lagpas sa tunggalian ng tradisyunal at malayang edukasyon, lagpas sa tunggalian ng guro at estudyante, tungo sa mapagpalayang edukasyon kung saan magkasamang naghahanap ng kalayaan ang guro’t estudyante mula sa kaapihan.

Mga Sanggunian

Dobie, Ann. 2012. Theory Into Practice: An Introduction to Literary Criticism, ika-3 ed. Boston: Wadsworth, Cengage Learning.

Forgacs, David. 1986. “Marxist Literary Theories.” Sa Modern Literary Theory: A Comparative Introduction, ika-2 ed, 166-203. London: B.T. Basford.

Freire, Paolo. 2000. Pedagogy of the Oppressed, ika-30 ed., tagasalin Myra Bergman Ramos. New York: Continuum.

Reyes, Jun Cruz. 1981. “Utos ng Hari.” Sa Utos ng Hari at Iba Pang Kuwento, 74-85. Quezon City: New Day Publishers.

*Ipinasa ang papel na ito sa gradwadong kursong MLL 210, Contemporary Literary Theories and Critical Approaches.